Saturday, December 10, 2005

Recyclables for Tuition

WISHCRAFT: Scholarship mula sa basura
ni
Edelio P. de los Santos
Aklat 9 Bilang 39Ika-1 hanggangika-8 ng Oktubre, 2004, Balikas
http://www.bwf.org/balikas/

Kapos ba ang pambayad ninyo sa tuition? Sa Cavite Institute (CI) sa Silang, Kabite, ang panapon, sa halip na itapon, tinitipon. Ang dinadala ng ilang mga mag-aaral na mga papel, doy pack ng inumin, boteng plastik ng mga softdrink at iba pang recyclables, itinatala at ibinabawas sa kanilang tuition. May mga estudyante pa nga na nabigyan ng "full scholarship", dahil sa tinitipong mga bagay na dati’y itinuturing nang basura.
"Win a scholarship through the collection of recyclables and frequently generated trash" (WISHCRAFT) ang tawag sa proyektong ito ng CI at sa pamamagitan nito, wika nga ng kanilang slogan, ang basura ay nagiging “ginto.” Ayon kay Ma’am Eny Rojas, guro sa CI, sa kasalukuyan ay may 70 mga iskolar ang CI bunga ng kanilang proyekto.
Ayon kay Ma’am Eny nagsimula ang WISHCRAFT noong 2001. "Kailangan naming mag-isip ng paraan na makaka-engganyo sa mga batang papasok," ‘aniya. Medyo may kalayuan daw kasi ang CI mula sa poblasyon ng Silang. Nais din nila ‘aniyang ipakita na may pera sa basura, at maaari itong pagmulan ng tuition fee ng mga mag-aaral.
Libu-libong kita
Sa pilot test ng programa noong 2002 hanggang 2003, umabot ng P52,271.35 ang naging pakinabang ng CI mula sa 14.53 toneladang papel, 438 kilo ng PET bottles at 1.8 toneladang plastic wrappers. Kasama ng mga donasyon sa proyekto, apatnapu’t walong mga iskolar ang napondohan ng CI.
Sa taong ito, mula pa lamang nitong Hunyo ay umaabot na sa P53,621.25 ang kinikita ng CI mula sa 15 toneladang recyclables.
Ayon kay Rachel Ann Regis, 15, estudyante sa 4th year at pangulo ng WISHCRAFT Organization, ang mga iskolar ng paaralan ay awtomatikong may diskwento na P8,000 sa pagpasok nila. Ayon kay Ma’am Eny, umaabot ng P19,000 ang matrikula sa CI para sa buong taon. Wika ni Rachel, ang nalalabing halaga ay pinupunuan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng dinadalang mga recyclables sa paaralan.
Hindi rin naman nag-iisa ang iskolar sa "pagbabayad." Ayon kay Ma’am Eny, bawa’t seksyon o klase ay may iskolar. Halimbawa ‘aniya, ang bawa’t klase ng third year ay gumawa ng 30 throw pillow (na ang laman sa loob ay mga plastik) na kasama sa mga ibinenta ng CI sa ginanap na Cavite Environmental and Social Development Fair noong ika-27 ng Setyembre. Ang mga mapapagbentahan, ‘aniya, ay ibibigay ng mga klase sa kanilang scholars.
Required din si Titser
Ang mga guro din, wika pa ni Ma’am Emy, ay "required" na magdala ng 50 kilo ng mga recyclables bawa’t taon. Ang katumbas na halaga nito ay ibinabawas naman sa tuition ng mga gurong nag-aaral ang mga anak sa CI, o kaya ay sa estudyante na gusto nilang bigyan ng scholarship.
Nagpapaligsahan din ang mga mag-aaral kung kaninong seksyon ang may pinakamaraming matitipon na recyclables. Ayon kay Kim Formalan, 14 taong gulang at estudyanteng pinuno ng research and development ng WISHCRAFT organization sa 3rd year, sa mga nakalipas na taon ay madalas maranasan ng mga seksyong kinabibilangan niya ang "free day" na gantimpala sa may pinakamaraming matitipon. Kapag "ree day", wika ni Ma’am Eny, walang mga subjects ang mga bata at naglilibang ang mga ito sa pamamagitan ng film showing at mga palaro sa paaralan.
Pagsasanay sa pangangasiwa
Ayon kay Kim, gawain niya ang paghahanda para sa mga gagawing proyekto tuwing may mga exhibit. Sa ginanap na Fair, nagbahagi siya ng kaalaman sa paglikha ng samu’t saring bagay mula sa nirolyong papel.
Si Rachel naman, bilang pangulo, ang nangangasiwa sa samahan at sa operasyon ng MRF (materials recovery facility) ng CI. Sila rin ‘aniya ay nagtuturo sa mga estudyante tungkol sa pangangasiwa ng basura. Nakapagsagawa na rin ‘aniya sila ng dalaw-barangay kung saan naranasan nilang magbigay ng oryentasyon sa mga bahay-bahay. Pagkatapos ng klase, mula 3:45 hanggang alas-5 ng hapon nila ginagampanan ang mga gawain para sa WISHCRAFT.
Sa simula, ‘ani Ma’am Eny, "hindi ma-sold sa mga teachers ang idea (ng WISHCRAFT). Ang akala nila matatambakan kami ng basura." Kaya ‘aniya, madalas ay nagsasagawa sila ng “room-to-room” upang patuloy na ipaliwanag na kailangang malinis na ang mga recyclables na dadalhin sa paaralan; kung hindi ay isinasauli nila ito.
Wika naman ni Rachel, "kapag isang jeep na (ang dami), tatawagan na namin ang junkshop na kumukuha ng recyclables. Sa ganitong paraan nila naiiwasan ang problema na matambak at mangamoy ang kanilang mga tinipon.
Parangal
Bunga ng tagumpay ng proyektong WISHCRAFT, napili ito bilang isa sa 50 mga finalist sa Gawad Panibagong Paraan, isang patimpalak na itinaguyod ng World Bank Group. Isang aklat na rin ang naipalathala ng CI tungkol dito.
Kabilang sa mga katuwang ng CI sa pagpapayaman ng proyekto ay ang mga grupong Institute for the Development of Ecological and Educational Alternatives (IDEAS) at Center for Ecozoic Living and Learning (CELL) kapwa naka-base sa Silang, Kabite.
Kabilang sa mga nilalaman ng aklat ng WISHCRAFT ay mga pamamaraan ng integrasyon ng mga konseptong pangkalikasan at panglipunan sa mga asignatura ng pag-aaral. Halimbawa, nai-kwento ni Rachel na kasama ang kanilang gawain sa WISHCRAFT sa pagtuturo ng Pythagorean Theorem sa Geometry.
Ayon sa aklat "ang puso ng WISHCRAFT ay internalisasyon ng pagpapahalaga sa pangangalaga ng kapaligiran." Ang pangangalaga daw sa kapaligiran ay hindi "memory test" at mananatiling malayo sa isipan ng mga mag-aaral ang implikasyon ng basura kung walang malapit na pagtingin sa kalikasan at repleksyon sa kaugnayan ng kalikasan at "collective survival."
º“Dapat nasa puso rin. Kung hindi, hindi mo mare-realize ‘yung value ng project na ginagawa mo,” wika ni Ma’am Eny.

No comments: